Walang atrasan. Walang keme. Matatag sa kalungkutan at malakas na pangangatawan. Yan ang mga katangian na nakikita ko sa pagiging marino. Propesyong hindi sumagi sa isipan ko. Hindi ko ito pinangarap.
Pero hanga ako sa mga taong ngtatrabaho sa loob ng barko. Natrauma siguro ako kasi yung lola ko, dati siyang bumibiyahe papuntang Mindanao para bisitahin ang kanyang anak. Nagkukwento pa lang siya, ako'y nalulula na sa hilo at kalungkutan. Ang araw na lumilipas sa barko ay parang duyan na walang katiyakan kung saan sisikat ang araw at lulubog ang buwan.
Ako'y isang nars, pag nag-umpisa ang shift namin- may endorsement ng pasyente, kagamitan at mga nakaligtaang bagay. Responsibilidad naming bantayan ang pasyente at ibigay ang pangangailangan upang makalabas sila ng hospital sa madaling panahon.Sa Barko kaya?
Sa akin lang, ang isang paa nila ay nasa hukay na at kayang hilahin ang buong katawan pag nagalit ang kalikasan. Responsiblidad nilang pangalagaan ang barko at ang mga biyahero. Wala kang masisilayan kundi kadiliman ng mundo at ang maririnig mo ay paghampas ng malalaking alon. Walang kasing saya ang mararamdaman pag nakita mo na ang puerto ng isla at malapit ng umahon. Parang nars din, pag nabuhayan, naging masigla ang pasyente at napangiti mo ang mga kapamilya nila, isang malaking pasasalamat. Ito'y binubuo ang iyong pagkatao bilang isang nagmamahal sa kapwa nilalang.